Wally and Jose on Working With Pokwang

Naging masaya ang batuhan ng mga jokes nina Wally at Jose kay Pokwang.

Base sa kuwentong nasagap namin, noong nagsisimula pa lang ang shooting ng movie, inulan nila ng tukso si Pokwang dahil nga first time nila itong nakasama sa isang project na nagkataong nagkaroon ng isyu kay Joey de Leon.

Noong taong 2008, gumawa ng kanta si Joey para sa Eat Bulaga! sa Los Angeles at tinawag niya ang former co-host ng Wowowee na "mukhang aswang."

Nasaktan nang husto si Pokwang sa pagpaparinig na ito ni Joey at maging ang kanyang anak ay naapektuhan sa patutsadang ito.

As fate would have it, nagkita si Joey at si Pokwang sa set ng pelikulang Pak! Pak! My Dr. Kwak, na co-produced ng Star Cinema at M-Zet Productions at duon ay nagkabati na sila.

"Hindi naman. Ang asaran lang naman namin ni Pokwang, yung mga biruan lang. Pero yung tungkol sa show, hindi namin napag-usapan," paglilinaw ni Jose.

"Ang madalas na asaran namin ni Pokwang, yung pagkatao lang namin, yung harutan. Yung mga kabastusan. Yung mga ganon lang."

Hindi raw nasaksihan nina Jose at Wally ang pagbabati nina Pokwang at Joey de Leon. Naka-alis na raw si Joey nang dumating sila sa set.

"Galing kami ng 'Juan for all.' Galing kami ng malayong lugar kaya late kaming nakarating," pahayag ni Jose.

"Hindi namin napag-usapan nina Pokwang yung pagkikita nila ni Joey. Ang napag-usapan lang namin nina Pokwang puro kabastusan at yung paano siya magluto. Yung pag-uumpisa niya, noong bata siya. Kung saan rin kami nag-umpisa. Kaya madaling nagkagaanan ang loob namin," dagdag pa niya.

Ang pagtungtong sa bakuran ng ABS-CBN 2 ay isa sa mga naisip rin na gustong gawin nina Jose at Wally.

"Oo naman. Hindi naman nawawala yun. Maliit lang naman ang mundo ng showbiz. Hindi naman habangbuhay nandoon ka lang sa istasyon mo. Parang Eat Bulaga!, galing dito, napunta lang sa kabila. Hindi ko naman naisip na hindi na kami makakatungtong dito. Darating talaga yung oras na makakatungtong din," pahayag ni Jose.

Paano nila nakabagayan agad si Pokwang samantalang ngayon lang sila nagkasama sa isang project?

"Bukod sa magaling na komedyante si Pokwang, yung istorya ng buhay niya na galing rin siya sa hirap. Magkakapareho kami. So, parang magkakaisang kulay lang kami," saad naman ni Wally.

"Hindi, yung kuwentuhan pa lang namin doon na kami nagkahulihan e. Kung ano meron si Pokwang sa comedy. Feeder rin si Pokwang e, mabilis pumik-ap e. Yung kuwentuhan pa lang namin, puro kalokohan na.

"Ibig sabihin puwede na naming i-apply sa set doon sa mga eksenang ginagalawan namin. Magaan ka-trabaho si Pokwang," pagsasalarawan ni Jose.

Ang kasamahan nila sa Eat Bulaga! na si Ruby Rodriguez ang madalas na kabatuhan nina Jose at Wally sa mga pelikula nila kay Vic Sotto. Pero ngayon ang kasama na nila ay si Pokwang. Meron bang pagkakaiba ang comedy nina Ruby at Pokwang?

"Halos pareho sila e. Kaya nga kapag may nagtatanong sa akin kung kumusta nang ka-trabaho si Pokwang. Parang si Ruby. Hindi kami nalayo. Ayun din siya e. Madaldal," isa-isang lahad ni Jose sa mga obserbasyon niya kay Pokwang.

"Hyper lage!" suportang pahayag naman ni Wally.

"Kahit alas kuwatro ng madaling araw na," dugtong niya.

"Kami pagod na. Kasi nga kami galing kami sa Bulaga, pagod na. 'Oh, ano? Kaya niyo pa?' Ikot siya nang ikot. Alam naming pinipigil rin niya ang antok niya. Oo, may show pa kami e, mamaya kaya nagri-serba lang.

"Asaran lang. At the same time, mabilis siya. Mabilis siya e. Alam niya kung ano ang bibitiwan niya, may sagot siya agad," bilib na kuwento pa rin ni Wally.

Maliban sa pagiging isang komedyante ang personalidad ni Pokwang, sa likod ng kamera, hinangaan din ni Jose ang komedyante.

"Mabait na ina," ang sabi niya.

"Maasikaso at magaling magluto," dugtong naman ni Wally.

"Masarap magluto ng laing. Pag nagluto ng laing, ang dami, sobra-sobra!" pagpapatunay pa ni Wally.

"Saka makikita mo kay Pokwang sa totoong buhay kung paano tumulong sa magulang, sa mga kapatid, pamangkin. Lalong-lalo na mapagmahal si Pokwang. Kaya maraming makukuhang blessings si Pokwang, mabait, e," isa-isa pa ring lahad ni Jose ng mga magagandang katangian ng komedyante.

Sa tanong kung magugustuhan ba nila si Pokwang, nagbiro si Jose na parang iniiwasan niyang sagutin ang tanong. Pero bigla siyang kumambyo na "puwede" raw.

"Puwede kang magkagusto sa Pokwang," sabi ni Jose.

"Puwede siyang maging kapartner sa buhay. Kasi wala siyang ginawa kundi ang magluto nang magluto raw," aniya.

Alam raw nina Jose at Wally na matagal nang walang love life si Pokwang.

"Ikinuwento niya sa aming dalawa na 12 years na siyang tigang!" pagbabalita ni Jose.

"Inoferan (offer) ko yun. Hinawakan ko pa lang na ganon sa balikat, kinikilabutan na yun. Talagang nanginginig na raw siya..

"Pero hindi, tinanong ko siya kung bakit ayaw niyang mag-asawa uli. Kasi ayaw raw niya, at ayaw rin raw ng anak niya. Nakita ko kay Pokwang naka-concentrate na siya talaga sa pamilya. Ayaw niyang kumuha uli ng panibagong pakikisamahan ng anak niya. Parang mahihirapan na siya," aniya.

Source: www.pep.ph