Celebrities Not Bothered With Willie Revillame's Threat to Sue Them

Pinag-usapan sa The Buzz kahapon ang isa na namang malaking usapin ngayon hinggil sa mga social networking sites. Kamakailan ay nagbitaw ng pahayag ang controversial host na si Willie Revillame na ididimenda raw niya ang ilang artista na bumatikos sa kanya sa pamamagitan ng kanilang Twitter accounts matapos nilang magkomento sa diumano’y pang-aabuso ng host sa isang bata sa kanyang variety show sa kabilang istasyon. Umani ng maraming negatibong komento si Willie nang paulit-ulit na pinasayaw ang batang contestant ng “sensual” dance na tila ginagaya ang isang macho dancer. Sina Jim Paredes, Aiza Seguerra, Agot Isidro, Mylene Dizon, Tuesday Vargas, Bianca Gonzalez at Lea Salonga ang mga partikular na artistang pumuna at nag-post ng komento sa kanilang Twitter.

Pero sa mga interviews sa mga sangkot na artista ay sinabi nilang hindi sila natatakot sa ginawang banta ni Willie at sinabing nagpahayag lamang sila ng kanilang opinyon sa ngalan ng malayang pamamahayag.

“I was within my rights to comment and express my opinion, I live in a democracy,” ani Lea sa isang interview kamakailan. “Kung susuriin ang mga sinabi namin bilang mamamayan ng Pilipinas, may karapatan kaming magsalita, bumatikos…nothing personal. Wala akong ininsulto na kahit sinong tao.”

Ininterview naman ng The Buzz ang isang abogado para kunin ang kanyang opinyon para sa usaping ito. “Wala pa kasing kaso dyan,” simula ni Atty. Harry Roque ng University of the Philippines College of Law. “Kung meron nang nakabinbin ngayon sa Senado, kung ‘di ako nagkakamali na kauna-unahang pagkakataon ay nagsasabi na pwede kang magdemanda ng libel para sa electronic communication.

“Kinakilangan na mapatunayan muna niya (Willie) na ang mga tinweet sa kanya na ‘di maganda ay talagang merong malisya laban sa kanya. Napakahirap para sa isang celebrity na magdemanda dahil bilang isang public figure ay binigyan mo na ng lisensya ang publiko na pakialaman pati ang pribadong buhay mo.”

Sinabi naman ng isang sociologist na si Jovy Peregrino na lalong naging sikat ang ilang social networking sites ngayon kagaya ng Twitter at Facebook dahil sa paggamit na rin ng mga ito ng mga artista. Sinabi naman ng mga artista na ginagamit nila ang mga sites na ito para maging mas malapit sa kanilang mga fans.

Source: www.push.com.ph