Toni Gonzaga to do a Movie With Eugene Domingo

Pagkatapos ng tagumpay sa takilya ng My Amnesia Girl, na pinagtambalan nina John Lloyd Cruz at Toni Gonzaga, nabalita na ang follow-up movie ni Toni sa Star Cinema ay pagtatambalan nila ng sikat na comedian na si Vic Sotto.

Pero biglang-bigla ay hindi na tuloy ang pagsasama nina Vic at Toni sa pelikula. Ito ay dahil sa pagtanggap ni Toni sa bagong noontime show ng ABS-CBN, Happy, Yipee, Yeheey!, na katapat ng noontime program ni Vic sa GMA-7, ang Eat Bulaga!.

Sa launching ng Happy, Yipee, Yehey! last Saturday sa Ynares Sports Arena sa Pasig City, tinanong si Toni kung hindi ba siya nalungkot o nanghinayang man lang sa pelikulang pagsasamahan sana nila ng isa sa tinitingala sa larangan ng comedy.

"Hindi naman ako nanghihinayang o nalulungkot, kasi hindi tayo dapat manghinayang sa mga bagay na hindi natutuloy. Kasi ibig sabihin nun, may ibang nilaan ang Diyos para sa atin.

"Saka ang saya-saya ko dito sa Happy, Yipee, Yehey!, maraming magagandang blessings na dumating. So, imbes na mag-focus sa mga bagay na hindi natuloy, dun na lang tayo sa mga nandiyan na at natuloy," sabi niya.

Ang pumalit kay Toni bilang leading lady ni Bossing ay si Bea Alonzo. Ano ang reaksiyon niya na si Bea ang pumalit sa kanya sa pelikula?

"Bea is a good actress. Deserving siya sa lahat ng mga blessings niya at happy ako na siya ang pumalit. Bagay na bagay sa kanya yung role 'saka magaling talagang artista si Bea," sagot ni Toni.

Kung hindi man natuloy ang pelikula niya with Vic, isang pelikula naman kasama si Eugene Domingo ang gagawin ni Toni.

"Kasama ko si Ate Uge. It's one whole comedy film, so riot talaga. Under Star Cinema, and I'm really looking forward and excited to work with her," sambit ng TV host-actress.

Source: www.pep.ph