Ted Failon Probes into Abusive Teachers

Tagahubog ang mga guro ng kaisipan at pag-uugali ng mga kabataan ngunit paano kung sa halip ang mga estudyante ay turuan, ito ay kanilang sinasaktan?

Ngayong Sabado (July 16), tatalakayin ni Ted Failon ang lumalaganap na isyu ng pang-mamaltrato at pang-aabuso ng mga guro sa kanilang mga estudyante sa Failon Ngayon.

Sa Pangasinan, 14 na estudyanteng sa Grade 5 mula sa Agno Elementary School ang pormal na nagsampa ng reklamo laban sa kanilang Science teacher na si Gloria Juanitez Callejo sa diumano’y pamamalo nito ng kawayan sa likod ng kanilang mga binti dahil lamang sa maling sagot sa kanilang pagsusulit.

Nagtuturo pa rin sa kasalukuyan ang nasabing mapang-maltratong guro dahil hindi pa naa-aksiyunan ng Department of Education ang nasabing insidente. Hindi pa rin pumapasok ang mga estudyante dahil sa matinding takot at trauma.

Ganito rin ang sinapit ng mga estudyante ng Antonio Luna Elementary School sa Tondo Maynila. Si Elsie Ignacio ay inireklamo ng mga estudyante dahil sa pananakot at pagmumura sa magkapatid na estudyante nito matapos pagbintangang nag-text diumano sila sa kanya ng masasamang salita.

Itinanggi ng magkapatid ang bintang ng guro dahil hindi naman daw nila alam ang cellphone number nito. Hindi lang ito ang unang beses na nagawang manakit ng guro dahil noong nakaraang Pebrero ay nagawang sampalin ni Ignacio ang isa sa magkapatid at hindi pa nakuntento, inutusan pa ang isang kaklase na sampalin din ang kakawang bata.

Bakit sa kabila ng napakaraming isyu sangkot ang mga mapanakit na mga guro ay walang nakikitang aksyon sa ahensiya?