Hindi naman kataka-taka kung maging disappointed man si Cristine Reyes dahil ang bago niyang seryeng Reputasyon ay inilagay sa pang-hapong slot ng ABS-CBN sa halip na sa inaasahan niyang pang-gabing slot na tinatawag na primetime sa TV.
May dahilan naman sa reklamo niya dahil malaki ang cast ng Reputasyon (Rayver Cruz, Jason Abalos, Aiko Melendez, Jaclyn Jose, Lito Pimentel, Emilio Garcia, Deborah Sun, Jill Yulo, Andre Garcia, John James Uy), plus dalawa ang direktor na humahawak ng serye, sina Jeffrey Jetturian at Mervyn Brondial.
Pero dahil si Cristine ang taong maging ang mga negatibong bagay ay ginagawa niyang positibo kung kaya, okay na sa kanya ang mapanood siya sa hapon.
“Tinatanggap ko na lamang na malaki ang tiwala nila sa cast. Para ilagay ang Reputasyon sa hapon, mas gusto kong paniwalaan na gusto ng ABS-CBN na palakasin ang afternoon programming kaya okay na,” paliwanag ni Cristine.
Muntik namang hindi tanggapin ni Aiko ang kanyang role sa serye na nagsimula nang mapanood nung Lunes, July 11.
“Gusto ko lang balikan ang pag-aartista ko pero ayaw ko naman na agad magagalit sa akin ang tao dahil lang kontrabida ang role ko. Pero nang mabasa ko ang script at makita ko ang kahalagahan ng role, tinanggap ko na rin,” panimula naman ni Aiko na ginulat ang marami dahil konti na lamang at fit na siya, bilang paghahanda sa kanyang pagiging aktibong muli.
Inamin nila pareho ni Cristine na nagkailangan sila nang una silang magharap dahil nga sa pagkakaroon dati ng isyu ni Aiko sa kapatid ni Cristine na si Ara Mina pero hindi naman ito naging isyu sa kanilang dalawa. Sabi nga ni Cristine, wala siyang kinalaman dun. Bata pa siya nang mangyari ’yun na tinawanan lamang ni Aiko dahil lumabas na parang napakatanda na niya.
Unang serye naman ni Laurice Guillen ang Reputasyon na inakala ng marami na isa sa mga direktor ng serye, ’yun pala isa siya sa mga artista nito. Role ng ina ng gobernador at biyenan ni Aiko ang ginagampanan niya. Hindi pa sila nagkaka-eksena ni Cristine pero dahil ilang ulit na niya itong na-workshop kung kaya alam niya ang kapasidad nito.
“I worked with her in Eva Fonda at masaya ako sa naging trabaho niya. Ang husay-husay niyang artista,” papuri niya rito.
When posed with the question kung saan siya mas fulfilled, sa pagiging direktor o artista, sinabi niyang masfulfilled siya bilang director.
“Mas mahirap ang trabaho nila kaya nga appreciated ko ang mga directors ko rito sa Reputasyon, pero ikamamatay ko ang mag-direk ng series,” pag-amin niya.