Star Magic's Triple Treat

Triple treat ang handog ng Star Magic sa pagdiriwang ng ika-19 na anibersaryo ng ABS-CBN talent management arm.

Opisyal na ilo-launch ang kauna-unahang website ng Star Magic kung saan puwedeng maging updated at magpadala ng mensahe sa inyong paboritong stars, mag-audisyon online at kung anu-ano pa - mag-log on lang sa www. starmagic.ph.

Mapapanood sa unang pagkakataon ang anniversary music video na pina­ngu­nahan ng naglalakihang pangalan sa Star Magic na sina Piolo Pascual, Bea Alonzo, John Lloyd Cruz, Angelica Panganiban, Diether Ocampo, KC Concepcion, Sam Milby, Kim Chiu at Gerald Anderson. Aliw na aliw sa mala-audition na tema ng music video ang halos tatlong daang artista ng Star Magic.

Ang Ikaw Ang Magic ng Buhay Ko music video ay dinirek ni Paul Soriano. “I wanted them to act naturally and have fun during our three days shoot. I’m sure they’ll enjoy our music video,” sabi ni Direk Paul.

Ang talented na si Yeng Constantino ang sumulat at kumanta ng music video. “I feel like a family sa Star Magic kaya naman hindi ako nagdalawang- isip na gawin ang kanta. Siyempre inspirasyon ko ang samahan at saya namin sa Star Magic,” dagdag ni Yeng.

Inareglo ni Marvin Querido ang official theme song ng music video.

Bukod sa isang star-studded dance at song number, rarampa ang naglala­kihang bituin ng Star Magic suot ang mga styled shirts at jeans na gawa ng mga kilalang designers.

Mabibili ang Ikaw Ang Magic commemorative shirts sa ABS-CBN Studio store.

Abangan ang bonggang 19th year celebration ng Star Magic sa June 26 sa ASAP Rocks.