The Biggest Loser Pinoy Edition's First Weigh-In and Elimination

Sa “The Biggest Loser Pinoy Edition,” hindi lang ang 14 na bigating Pinoy ang sasabak sa kompetisyon, pati na rin ang dalawang trainers na tutulong sa kanilang pagbabawas ng timbang—sina Jim Saret ng Blue Team at Chinggay Andrada ng Red Team.
Tulad ng mga contestant, dumaan din sa mahigpit na audition ang dalawa, at sa lahat ng naimbita at nagpresinta, sila ang umangat at napili ng mga bumubuo ng programa. Ayon sa production manager na si Reily Santiago, hindi lang kwalipikado para maging trainer ng Biggest Loser sina Jim at Chinggay, pareho rin silang interesanteng mga personalidad na siguradong kagigiliwan ng publiko.

Si Jim, na isang US certified sports scientist at head trainer ng Philippine national team, ay palangiti at mahinahon pero pagdating sa training ay seryoso, malikhain, at siyentipiko ang atake. Si Chinggay naman, na isang kilalang kickboxer, trainer ng mixed martial artists sa Amerika, at dati na ring TV at radio personality, ay matipid sa salita, malakas ang dating ngunit may puso rin para sa mga kalahok.

Bago pa man nag-aral ng sports science sa Amerika at bumalik sa ‘Pinas upang maging “trainer of trainers,” naglaro para sa Pilipinas si Jim bilang junior tennis player. Simula pagkabata, nahilig na siya sa sports kung kaya’t ngayon ay madali sa kaniyang gumawa at mag-implement ng training para sa mga atleta, kabilang ang hardcourt heartthrob na si Chris Tiu.

Pero sa BL camp, haharapin ni Jim ang kakaibang hamon. Paano mo ba gagawing aktibo at papapayatin ang mga taong hindi sanay sa exercise at labis ang katabaan? Pero sa kaniyang karanasan at pinag-aralan, may madaling sagot si Jim dito.

“Ang pilosopiya ko kasi, lahat tayo may atleta sa loob natin. Kailangan lang ng tamang motibasyon para ilabas ito. At iyan ang gagawin ko.”

Kung kayat sa nakalipas na dalawang linggo, nakita natin ang ibang estilo ni Jim sa training, kung saan ibinabagay niya sa tao ang workout na pinagagawa niya. Lumihis siya sa tradisyunal na ehersisyo para maging kawili-wili ang training sa kaniyang grupo na binubuo nina Alan, Eric, JM, Larry, Angela, Edden, at Joy, ang pinakamabigat na babae.

Si Chinggay naman ay maagang in-expose sa sports ng kaniyang ama, maski nag-iisang babae sa kanilang pamilya. Dala niya hanggang paglaki ang pagkahumaling dito at gumawa ng pangalan bilang sportscaster, host at producer ng sports shows sa radyo at TV. Bago pa man nakapagtayo ng sariling gym, sumali at nanalo na rin siya sa mga patimpalak sa magandang pangangatawan.

Umuwi pa si Chinggay mula Amerika, kung saan naninirahan ang kaniyang pamilya, para sa Biggest Loser. Aniya, ito ang pinakamalaking hamon at break sa kaniyang karera, hindi dahil sa malaki ang programa kundi magkakaroon siya ng paraang makatulong sa pagbabago ng buhay ng kapwa.

Kaya naman maluha-luha siya habang pinipili sina Art, Raffy, Ryan, Destiny, Hazel, Winwin, at ang pinakamalaki sa programa na si Eboy para maging parte ng Red Team.
Pero, pagdating sa training, mala-tigre si Chinggay sa pagpapalakas ng loob ng mga ka-team sa bawat push-up, buhat, at jog. Sabi pa niya, “Sa training style ko, kailangan makuha mo ang respeto ko. Dapat seryoso ka talaga sa workout.”
Habang papalalapit na ang unang weigh-in at eliminasyon, sari-sari na rin ang kuro-kuro sa kung sino kina Jim at Chinggay ang maghahatid sa kani-kanilang team sa panalo. Bagama’t una nang nagwagi ang Blue Team sa challenge kasama ang game master na si Derek Ramsay, hindi pa rin sila nakasisiguro na ang kanilang team ang makakakuha ng pinakamalaking porsiyento ng nabawas na timbang sa weigh-in.
Ang grupo kasing mas maliit ang porsiyento ng nabawas na timbang ay dadaan sa eliminasyon at kakailanganing magbawas ng miyembro.

Blue Team ka ba o Red Team? Abangan ang nalalapit na makapigil-hininga at madamdaming unang weigh-in at eliminasyon sa “The Biggest Loser Pinoy Edition” kasama ang Megastar na si Sharon Cuneta sa Primetime Bida, pagkatapos ng “Minsan Lang Kita Iibigin” sa ABS-CBN.