Sarah Geronimo Stresses She Will Still Remain a Kapamilya

Kahit pa pumirma na si Sarah Geronimo ng one-year contract sa ABS-CBN noong September 2010 ay hindi pa rin mamatay-matay ang mga usap-usapan na lilipat umano ang Pop Princess sa TV5.

Kaya naman mariin nang itinanggi ni Sarah ang isyung ito sa panayam sa kanya ng press sa isang event para sa Maaga ang Pasko ng Jollibee ngayong umaga, February 8, sa Mandarin Oriental Hotel sa Makati City.

"Basta hindi po, hindi po totoo," saad ng Kapamilya singer na mina-manage ng Viva Artists Agency.

Dagdag ni Sarah, hindi niya alam kung totoo ngang may offer ang Kapatid Network sa kanya.

"Hindi ko po alam. Tanong n'yo po kay Boss Vic kung meron," sabi ni Sarah, na ang tinutukoy ay ang big boss ng Viva na si Vic del Rosario.

Pagpapatuloy ng batang singer at aktres, "happy" naman siya sa network niya ngayon.

"Siyempre, katulad nga po ng sinasabi ko, magmula nang pumasok ako sa ABS-CBN, iba na yung pag-aalagang ibinigay nila, pagsuporta. Sila yung kauna-unahang istasyon na nagbigay sa akin ng pagkakataong umarte.

"At ganun din sa ASAP, iba din yung binibigay nilang break talaga. So, malaking bahagi po sila ng career ko," saad ni Sarah.