Ipinagdiriwang ngayon ng Star Magic ang ika-19 na anibersaryo nito. Ang Star Magic ay ang talent arm ng ABS-CBN kung saan nanggaling ang karamihan sa mga pinakasikat na artista ngayon. Kasabay ng nasabing 19th anniversary ng Star Magic ay ang pag-launch ng kanilang website na www.starmagic.ph at ang kanilang music video na ini-launch sa ASAP Rocks last Sunday.
Samantala, isang party rin ang ginanap sa ELJ Building kahapon para sa nasabing okasyon na dinaluhan ng mga Star Magic talents. Bumati rin ang ilan sa mga sikat na artista ngayon na kung hindi dahil sa Star Magic ay hindi sila makikilala.
“After PBB, malaking tulong ang Star Magic sa career namin, sa personal life (namin),” ani Gerald Anderson.
Sinabi naman ni Kim Chiu na tumayong magulang nila ang founder ng Star Magic na si Mr. Johnny Manahan o kilala bilang Mr. M at ang vice president ng talent arm na si Mariole Alberto. “Hindi lang pagiging artista, nandyan sina Mr. M at Ms Mariole para sa ‘min, para i-guide kami sa kahit anong paraan. Sila ang mom and dad namin sa showbiz.”
“Thank you so much sa pag-alalay sa ‘min, sa pagtulong sa pag-abot ng mga pangarap namin, thank you so much,” sabi naman ni Pokwang.
Dagdag naman ni John Lloyd Cruz, “Bukod kay Mr. M at Tita Mariole, sa lahat ng handlers na nag-aalaga sa amin, sa lahat ng mga road managers, namin salamat ho sa inyo.”
Dahil kontrobersyal na aktres, kaya nagpasalamat ng lubos si Angelica Panganiban sa pagpoprotekta sa kanya ng Star Magic. “Maraming salamat po sa lahat ng taon na ibinigay n’yo sa akin. Sa lahat ng pagproprotekta, sa lahat ng umaapaw na pagmamahal na ipinaramdam n’yo sa ‘min. Sila ang tumayong magulang namin dito.”
Sabi naman ng isa sa mga senior talents ng Star Magic na si Piolo Pascual, “Sobrang malaking pasasalamat sa tatay namin sa Star Magic, si Mr. Johnny Manahan at nanay namin Tita Mariole, sila ang nagpapatatag ng puso namin, sila ‘yung nagbibigay sa amin ng lakas ng loob to be the best that we can be and also our handlers. Lahat ng mga handlers na from the beginning sila ang naghirap sa schedules namin sa pakikipag-negotiate sa mga kontrata namin, sa lahat ng nangyayari sa buhay namin. Bago pa kami lumabas sila muna. Sila ang wind beneath our wings.”
Source: www.push.com.ph