OFW's Dismayed With Willie Revillame

Dismayado rin ang mga overseas Filipino wor­kers sa kasong child abuse na nangyari sa show na Wil­ling-Willie ng TV5 nang pagsayawin dito na parang isang macho dancer habang umiiyak ang isang anim na taong gulang na batang si Jan-Jan.

Nagbigay din ng reaksiyon ang ilang OFW sa United Kingdom.

“Nakakadismaya dahil nadungisan nito ang imahen ng mga Pilipino hindi lang dito sa London kundi pati sa buong mundo,” sabi nga ni Alona Blum, isang maybahay sa London at isa ring ina. “Para sa akin, dapat nang ipatigil ang show dahil hindi magandang impluwensiya sa mga tao. Wala nang pakialam ang mga taong pumipila alang-alang sa pera. Hindi nila nauunawaan ang epekto nito sa imahen ng mga OFW o sa maraming Pilipino,” dagdag niya.

Iminungkahi niya na dapat magtrabaho ang mga tao para maintindihan nila na ang pera ay dapat pinaghihirapang kitain.

Kinondena naman ng isang nurse sa London na si Paul Gannaban ang host ng show na si Willie Revillame. “Nakakahiya siya. Minsan, sobra na ang kanyang mga biro. Pero minsan, ‘yan ang dahilan kaya gusto siyang panoorin ng ilang tao.”

Sinisisi rin ng iba ang mga magulang ng bata. Isang care assistant at ama ng dalawang bata na si James Manangan ang nagsabing hindi lang ang show ang dapat sisihin kundi pati na rin ang mga magulang. “May iba pang paraan para kumita ng pera. Hindi lang ito,” dagdag niya.

Sinabi ni Blum na napansin niya na tinatawanan ng audience ang bata at malinaw na pinilit lang siyang pasayawin.