SCQ Kids Join Goin Bulilit

Next kiddie superstars Brenna, Clarence, Josef & Queenie are the new members of Goin’ Bulilit.

Buong-pagmamalaking inihahandog ng Goin’ Bulilit ngayong darating na Linggo ang bago nitong anyo, kasabay ng pagdating ng pinakabagong Bulilits na handa nang magbigay-katatawanan tuwing Linggo ng hapon.

Kilalanin sina SCQ Grand Questors Brenna Peñaflor at Clarence Delgado at SCQ finalists Josef Kristian Bernardo at Queennie Sulit sa kanilang kauna-unahang pagsabak sa Goin’ Bulilit. Excited na excited ang apat lalo’t alam nilang mag-eenjoy sila sa bago nilang show.

“Binigyan po kami ng advice ni direk Bobot. Dapat daw masaya kami parati, parang naglalaro lang po,” ani Clarence.

Samantala, maliban sa bagong mga Bulilits, kapana-panabik din ang bagong theme song ng Goin’ Bulilit. Idagdag pa ang maala-Lady Gaga na paghataw ng mga kwelang-kwelang bagets sa sarili nilang bersyon ng “Born This Way.” Saksihan din ang kwelang-kwelang game show gag na “The Door is Right.” Siyempre, iba’t ibang gags na tiyak na magpapahalakhak ang kukumpleto sa bawat Linggo.

Talagang umaapaw ang sorpresa na hatid ng ika-6 na taong pamamayagpag ng Goin’ Bulilit. Huwag palampasin ang Goin’ Bulilit ngayong Linggo, pagkatapos ng TV Patrol Weekend sa ABS-CBN.