Lawmakers Condemn Willie Revillame

Nasagad na ang pasensya ng grupo ng kababaihang Gabriela sa TV host na si Willie Revillame kaya naman ‘total ban’ sa telebisyon ang itinutulak nito ngayon laban sa kontrobersyal na komedyante.

Sa panayam kay Rep. Emmi de Jesus ng nasabing partylist group, lumagpas na sa limitasyon si Revillame sa pagtsi-cheer nito sa isang 6-anyos na batang contestant na si Jan Jan habang nagsasayaw na tulad ng mga macho dancer sa gay bar sa kanyang “Willing Willie” program noong Marso 12.

“Na-bothered talaga ako noong mapanood ko sa Youtube ‘yung bata. Hindi lang ang mga kababaihan ang kanyang binabastos kundi kasama na ang mga bata para lang siya kumita,” pahayag ni De Jesus na umapela sa kanilang mga miyembro ng huwag nang manood ng “Willing Willie” sa TV5.

Ang Gabriela partylist ay mayroong milyun-milyong miyembro sa buong Pilipinas at maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Kinalampag na rin ni De Jesus ang Movie-Television Review and Classification Board (MTRCB) para kumilos upang kastiguhin ang nasabing TV show kung walang aksyong gagawin ang mismong himpilan ng telebisyon (TV5).

Maging si Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan, dating chairman ng Senate committee on justice and human rights, ay nagsabing dapat kasuhan ang kontrobersyal na TV host kung mapapatunayang in-exploit ng kanyang programa ang batang contestant.

Sa panig ni Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy, vice chairperson ng House committee on welfare of children, hindi dapat na ipagwalang-bahala ang ganitong klase ng palabas na nagbibilad sa mga inosenteng bata sa exploitation.

Source: www.abante.ph