Maituturing na isa sa busiest Kapamilya talents ngayon si Toni Gonzaga. Bukod sa kanyang dating shows na ASAP Rocks at The Buzz, madadagdagan pa ito ng daily noontime show na Happy, Yipee, Yehey!.
Ibig sabihin, araw-araw na siyang makikita ng mga manonood sa telebisyon. Hindi ba nag-aalala si Toni na maaaring ma-overexpose na siya sa publiko?
Sa press conference na inihanda para hosts ng Happy, Yipee, Yehey! kahapon, Pebrero 8, sinabi ni Toni na hindi niya ito ikinakabahala. Naniniwala rin siya na magiging maayos ang kanyang schedule sa kabila ng halos araw-araw na trabaho.
"'Yong schedule po, siyempre, may mag-aayos po no'n," sabi niya. "Regarding naman po sa overexposure, hindi pa naman po lumalabas ang noontime. So, alam ko po na magagawan ng paraan ang ibang programa kung saan kasali ako. Siyempre, hindi ko pa alam 'yon.
"Pero other than that, siyempre, ang management po ang nag-decide sa akin na mag-noontime show. So, sila rin po ang mag-aayos ng proper management ng shows ko."
Bukod sa trabaho, iniisip na lang ni Toni na ang panibagong programa ay makapagbibigay ng saya sa mga Kapamilyang Pilipino.
Nang lumabas ang balitang mapapasama si Toni sa bilang ng hosts ng Happy, Yipee, Yehey!, marami ang nag-isip agad na baka mahirapan ang programang talunin ang longest-running noontime show na Eat Bulaga!, na napapanood sa GMA-7.
Ngunit katulad ng nauna nang inihayag ni Toni, hindi naman layunin ng programa na mauungusan ang tatlong dekada nang umeere na Eat Bulaga!.
Inulit pa niya, "Siyempre, ang isa pong institusyon tulad ng Eat Bulaga!, 30 years na naging bahagi ng iba't ibang generation. Ang sa amin po kasi, ang main goal ng programa namin is hindi na po kami makikipag-compete. We're just here to give an alternative to make the people happy.
"At the end of the day, kaya kami nagsama-sama is because gusto rin naming magpasaya ng mga Kapamilya. Kasi, di ba, nawalan rin naman tayo ng noontime show?
"Ito naman po, babalik kaming lahat, sama-sama kami para sa iisang goal, at 'yan po ay mamigay ng pera, magpasaya, and in our own little way, makapag-inspire din kami ng mga Kapamilya natin araw-araw."
Matatandaan na si Toni ay unang nakilala bilang isa sa mga co-host nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon sa Eat Bulaga!. Taong 2004 nang magpasya ang dating commercial model na lumipat sa ABS-CBN.
Hindi kaya magkaroon na naman ng conflict si Toni sa staff at management ng Kapuso noontime show?
Ayon kay Toni, ilang beses na siyang inalok na mag-host ng noontime show. Subalit halos anim na taon din ang kanyang hinintay bago pumayag na mag-host ng programang katapat ng Eat Bulaga!.
Kuwento ni Toni, "Noong bagong lipat, sabi ko, huwag po muna. Although doon po talaga ako comfortable [sa hosting], kasi doon ako nanggaling at doon ako nagsimula. So, I did ASAP, 'yong variety show.
"Sabi ko, respeto na lang sa dati kong show na dating kinabibilangan ko. And I waited six year. Tapos nang dumating po ang show na ito, siyempre, it's a blessing din naman siguro."
Bukod pa rito, mahirap din daw hindian ang pagtitiwalang ibinibigay sa kanya ng kanyang home network.
"Mahirap din naman tumanggi at sabihin na ayaw ko dahil I'm taking it as a blessing. Para pagkatiwalaan ng management ng isang ganitong programa, kasama sina Kuya John, Kuya Randy, ang hirap-hirap magsalita ng no."
Marahil, isa sa mga naging epekto ng pagtanggap ni Toni sa Happy, Yipee, Yehey! ay ang pagkaudlot ng pelikulang gagawin niya sana kasama ang Box-Office Comedy King na si Vic Sotto.
"Hindi na matutuloy because of this. Gano'n po talaga, maraming bagay na kung hindi para sa atin, hindi para sa atin," pagkumpirma ni Toni.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na hindi matutuloy ang pelikulang nakalinya kay Toni sa loob ng isang taon. At tila nasasanay na ang multi-media celebrity.
Pabiro pa niyang binanggit, "'Yong kay Robin [Padilla], hindi rin natuloy. Siyempre, nasasanay na rin naman. Medyo nasasanay naman diyan.
"Kaya lang, ang pangit naman diyan 'yong hindi natutulog pagkatapos walang kapalit. Ang maganda lang, laging may magandang kapalit din naman. Tingnan na lang namin 'yong good effect, 'yong good side."
Sa mga nag-aalala na baka maging tampulan na naman ng pang-aalaska si Toni ng komedyanteng si Joey de Leon, ito ang nakangiting sagot ni Toni: "E, di history repeats itself na naman. Naulit na naman. E, gano'n talaga, e."
Pero hindi masyadong nag-aalala si Toni dahil naging maayos na rin naman sila noon ng kanyang tinatawag na "Tito Joey," ilang taon matapos siya lumipat mula sa GMA-7 patungong ABS-CBN.
"Actually, si Tito Joey, mga two years ago, tinawagan niya ako noong birthday niya, in-invite niya ako sa bahay niya. Tapos tinake ko 'yon na sign na, 'A, okay na kami ni Tito Joey.'
"Pumunta ako doon sa bahay niya sa Greenmeadows, nandoon ang buong cast ng Eat Bulaga!. So, I took that as a sign na okay na ang lahat dahil inimbitahan niya ako sa birthday niya," pag-alala ni Toni.
Naniniwala rin si Toni na maiintindihan ng pamunuan ng Eat Bulaga! na ang kanyang pagho-host ng Happy, Yipee, Yehey! ay trabaho lamang.
"Sa tagal naman na ng Eat Bulaga! sa industriya, hindi naman na siguro naaapektuhan sa gagawin ko dahil alam din po nila na nagtatrabaho lang din ako."