Failon Ngayon Probes into Taxi Carnapping

Kayod kalabaw na, buwis buhay pa sa tuwing papasada. Yan ang kalagayan ng mga taxi drivers sa ating bansa.

Sa darating na Sabado (July 2), tututukan ni Ted Failon ang lumalaganap na krimen kung saan biktima ay taxi drivers sa ”Failon Ngayon.”

Si Edwin Benoso, 38, ay isa sa madaming taxi drivers na nakaranas ng karahasan sa kanilang pamamasada. Noong Ika-22 ng Mayo, habang bumabyahe siya sa may Malate ay pinara siya ng isang lalaki na nagpahatid sa Makati. Nagulat na lang siya ng tatlo pang lalake ang sumakay sa likod ng sasakyan at pagdating sa destinasyon ay biglang bumunot ng icepick ang nakaupo sa harapan at itinutok ito sa kanyang leeg sabay nagdeklara ng carnap.

Tinalian at inilagay si Edwin sa likurang ng sasakyan, hinampas ng baril at pinagsasaksak pa ng icepick. Sa pag-aakalang patay na ito, itinapon ng mga suspek ang biktima sa ilog at nang makaalis, agad na nginatngat ni Edwin ang lubid para makawala at humingi ng saklolo sa Barangay Patrol na nakakita sa kanya.

Hawak na ng Bulacan PNP ang mga suspek na target ay ang mga Toyota Vios, Avanza at Isuzu Sportivo na kadalasang ginagamit bilang FX.

Abangan ang buong kwento ni Edwin at iba pang taxi drivers sa "Failon Ngayon" ngayong Sabado, 4:15 ng hapon pagkatapos ng “ABS-CBN News and Current Affairs Special Report.”