Showdown of 14 World Class Acts on Pilipinas Got Talent Season 2 Grand Finals

Hinalughog na ng nangungunang talent-reality show na “Pilipinas Got Talent” ang buong bansa at mula sa libu-libong nag-audition, 14 na lang ang natitira para maglaban laban sa inaabangang grand finals. Sino kaya sa kanila ang tatanghaling ikalawang PGT grand winner?

Huwag palalampasin ang huling pasiklaban ng talento sa “Pilipinas Got Talent 2 Grand Finals” ngayong Sabado (June 25) at Linggo (June 26) sa Araneta Coliseum.

Mamayagpag kayang muli ang mga singers tulad ni PGT grand winner Jovit Baldvino ngayong season? Susubukang iyang panatilihin ng singing siblings na Madrigal Siblings ng Cainta, Rizal; acoustic heartthrob na si Jem Cubil ng Talisay, Cebu; young balladeer na si John Michael Narag ng Mabini, Pangasinan; Pinoy Bruno Mars na si Buildex Pagales ng Digos City; tween trio na DJP Trio ng Bacolod, Negros Occidental; at male diva na si Marcelito Pomoy ng Imus, Cavite.

Hindi naman papataob pagdating sa hatawan ang dance groups na Freestylers ng Calamba, Laguna; B4 ng Baguio City; at Filogram ng Baguio City; tapdancing brothers na Happy Feet ng Libona, Bukidnon, at powerdance duo na sina Leoniel Enopia at Elizabeth Dazo ng Bacolod, Negros Occidental.

Samantala, magpapakitang gilas din sa pagmama-magic ang salamangkerong si Rico the Magician mula Caloocan; pagpapaikot ng hoola hoop sa katawan ng hoola hoop master na si Angel Calalas mula Cainta, Rizal; at pagtugtog ng mga instrumento ng bandang Skeights mula naman sa Davao City.

Inaasahang mahigpit ang kumpetisyong magaganap sa Sabado at mas mahigpit din ang kumptisyon sa pagboto dahil bawat numero o email ay limitado na ang maaring ipadala. Hanggang 30 boto kada contestant kada araw ang maari lang i-send ng isang celphone number o email sa magaganap na overnight voting. Para sa bulk voting, hanggang 30 na boto rin kada keyword. Para sa kumpletong detalye at keywords ay bumisita lang sa http:// pilipinasgottalent.abs-cbn.com.

Ang “Pilipinas Got Talent” ay isa sa pinakamatagumpay at pinakapinanood na talent-reality show sa telebisyon na talaga namang nagpasikat sa unang grand winner nito na si Jovit. Simula ng siya ay manalo noong Hunyo ng nakaraang taon, nakapag-release na ang Batanguenong dating siomai vendor ng dalawang album under Star Records, ang una umani pa ng Platinum record award, at nakapagsagawa din ng kanyang major concert sa music museum.

Pati ibang grand finalists ay namamayagpag na rin sa kani-kanilang larangan dala ng pintuan binuksan para sa kanila ng PGT.

Pakatutukan ang “Pilipinas Got Talent 2 Grand Finals” live performance night sa Araneta Coliseum sa Sabado (June 25), 8:45 PM, at live results night sa Linggo (June 26), 8:15 PM sa ABS-CBN. Pangungunahan ito ng hosts na sina Luis Manzano at Billy Crawford kasama ang mga huradong sina Kris Aquino, Ai Ai Delas Alas at Freddie M. Garcia.