Final Week of Green Rose

Matapos matuklasan ang mga kapana-panabik na storya at mga pangyayari, ang “Green Rose” ay hahantong na sa pinakaabangan nitong pagtatapos. Sa napipinto nitong pagwawakas, mananagot na ang mga dapat mahatulan sa ngalan ng hustisya sa mga huling kabanata ng Kapamilya remake teleserye.

Sa pag-igting ng mga kaganapan ngayong linggo, unti-unting mauungkat ang mga sikreto ng teleseryeng tumatak sa puso ng bawat kapamilya. Sunud-sunod ang mga magiging pasabog ngayong linggo sa seryeng kinabibilangan ng ilan sa mga premyadong aktor sa industriya sa pangunguna nina Jericho Rosales, Jake Cuenca, Alessandra De Rossi at Anne Curtis.

Sa isang panayam kay Echo, ipinahayag niya ang kagalakan na makatrabaho ang buong cast and crew ng show, “This is really one of my most memorable projects, it was really a privilege na makatrabaho yung buong cast and crew ng Green Rose.” Dahil sa serye, muling napatunayan ng leading man ang kanyang kakayahan na makipagasabayan at maihanay sa mga aktor ng ibang bansa.

Dagdag naman ni Anne, “I hope that this will not be the last project na magkakasama kami ni Echo and Jake. They are both great actors and sobrang nag-enjoy ako working with those two incredible actors. I’m really looking forward sa mga susunod pang projects na kasama sila.”

Si Jake naman ay kakaibang galing sa pag-arte ang ipinamalas bilang hadlang sa pagmamahalang Anne at Echo. Mapapansin ang laki ng iginaling ni Jake sa pag-arte sa pagganap nito sa nasabing teleserye. “Sobrang thankful ako sa kakaibang working experience na binigay sakin ng Green Rose. It allowed me to grow as an actor. It certainly provided me avenues to improve my craft and sobrang nakatulong yun sa ginampanang role ko sa ‘In The Name of Love’”.

Kitang-kita naman na labis na pinaghahandaan ng cast ng Green Rose ang bawat eksena para maibigay sa mga viewers ang isang kakaibang drama experience. Kung kaya ngayon sa napipinto nitong finale, mas kapana-panabik pa ang bawat eksena at mas malalaking rebelasyon ang ating matutunghayan.

Sa huling linggo ng “Green Rose” mas iigting pa ang mga magaganap. Tunghayan ang mga kapana-panabik na mga tagpo, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng Mara Clara sa ABS-CBN Primetime Bida. Para sa mga karagdagang impormasyon at detalye, mag log-on sa
www.abs-cbn.com o sundan ang abscbndotcom sa Twitter.