Aga Muhlach and Angel Locsin Talk About Working Together

Busog na busog sa papuri ng mga dati nilang nakatrabaho sina Aga Muhlach at Angel Locsin nang magpakita ang The Buzz kahapon ng video clip ng mga artistang nakatrabaho ng dalawa at inilarawan ang dalawang bida ng upcoming movie na In The Name of Love.

Ayon nga kay Aga, mahirap umano ang tingalain ng mga kapwa artista na gusto siyang sundan at gustong makapareha ng mga sikat na artistang babae ngayon. “Hindi mo maiaalis sa akin na talagang tataba ang puso ko,” simula ng aktor. “It even inspires me ‘coz sometimes, whether you believe it or not, minsan parang iniisip mo, tama pa ba ‘tong ginagawa ko or gusto ko pa ba ‘tong ginagawa ko or gusto pa ba ako ng mga manonood? And then you hear all these comments, you hear all these praises, it keeps you going. It tells you that, alam mo Aga parang feeling ko ito ang lugar mo sa mundong ito.”

Very humble pa ang aktor sa pagsasabing nagkakataon lamang na pumapatok ang mga ginagawa niyang pelikula. Idiniin niya na mahal daw niya ang ginagawa niya at kung papipiliin, mas prayoridad raw niya ang paggawa ng pelikula kesa ang umarte sa telebisyon. “Mawala na ang telebisyon ‘wag lang ang pagggawa ng pelikula talaga.”

Very honored naman daw si Angel na sa dinami-dami ng mga aktres ngayon ay nabigyan siya ng pagkakataon na makatrabaho si Aga. “Napakabait, supportive, bilang baguhan (ako), ‘di siya natakot na suportahan kami,” papuri ng aktres.

Ibinalik naman ni Aga ang papuri ni Angel at sinabing hindi pwedeng i-underestimate ang aktres dahil kaya raw niyang makipagsabayan. Ang deskripsyon nga sa kanya ni Direk Olive Lamasan, director ng pelikula, ay matapang dahil handa raw ang aktres sa lahat ng ipagagawa sa kanya at gagawin raw niya ito ng buong makakaya niya.

Nang itanong naman ng The Buzz host na si Boy Abunda kung ano ang ginawa ng dalawa sa ngalan ng pag-ibig, ang sagot ni Angel, “Sinasabi nga ng mga handlers ko delikado daw akong ma-in love talaga. Kaya kong ibigay lahat.” Sagot naman ni Aga, “Ang pinakaimportante sa buhay mula sa trabaho, sa pagkakaibigan, sa pamilya, sa pang-araw-araw hanggang sa pagkain ay ang pag-ibig. Kung ‘di nanatili sa buhay natin ‘yan napaka-walang kwentang mabuhay. Anything in the name of love is perfect.”

Magbubukas na ang In The Name of Love sa mga sinehan sa Mayo 11 na handog ng Star Cinema sa kanilang 18th anniversary.

Source: www.push.com.ph