Pilipinas Got Talent Season 2 Semi-Finals Begin This Saturday

Ngayong Season 2 ay level up na talaga ang mga act kaya naman level up din ang tensyon na pinagdaanan ng mga pumasa sa audition at ng Big Three judges para mapili ang 36 semi-finalists ng pinakamalaki at nangungunang talent reality show sa bansa na Pilipinas Got Talent 2.

Mabusising ngang pinili ng mga huradong sina Kris Aquino, Ai Ai Delas Alas, at Freddie M. Garcia mula sa 174 acts na pinasa nila sa auditions kung sino sino ang karapat dapat magpakitang gilas sa ikalawang pagkakataon sa semi-final round. Sa huli, 19 na acts mula Luzon, walo mula Visayas, at siyam mula sa Mindanao ang pasok bilang semi-finalists na siyang nagpapatunay na may ibubuga ang Pinoy saan mang sulok ng bansa.

Mula Luzon, sasabak na sa semi-finals sina Angel Calalas, B4, John Michael Narag, Maribeth Callanta, Dance Selection, Zaldy Carlos, Collins Gutierrez Genevieve Arandia, Fernan Santuyo aka Madonna Pianista, Filogram, Kenny Padalla, Bourbon (Feliz Ria Pichay), Joy’s Diva, Kapidamu Band, at Marcelito Pomoy.

Hindi naman pahuhuli ang mga taga-Visayas na sina Virgilio Del Carmen Jr., Jose Emmanuel Cubil, First Beat Effect, DJP Trio, Jacqueline Schubert, Karinyoso Boys, at Leoniel Enopia and Elizabeth Dazo.

Itatayo naman ang bandera ng Mindanao ng mga semi-finalist na Skeights, Lapinid Sisters, Happy Feet, Rafael Pavia, Next Generation Band, Buildex Pagales, Suwahib Samplidan, at Larvae.

Bibira na ang unang semi-final round sa unang performance night para sa edisyong ito na gaganapin sa Sabado (April 30) sa PAGCOR Grand Theater. Ang unang anim na sasabak ay ang magician na si Romarico Sanorjo o kilala sa tawag na Rico The Magician, bulag na singer-pianist na si Jeremie Tampoy, magkakapatid na singers na Madrigal Siblings, batang crooner na si Brian Brady, acoustic duo na Light Gauge Acoustic, at breakdancers na Freestylers.

Sino nga kaya sa kanila ang hihiranging unang set ng grand finalists? Siguraduhing manood sa Sabado para malaman ang paraan ng pagboto sa inyong mga pambato. Kikilalanin naman ang papalaring mapili ng taong bayan at mapili ng mga hurado sa gaganaping live results night sa Linggo (May 1).
Para sa mga gusto manood live ay pumila lamang sa ABS-CBN Center Road sa Miyerkules (April 27) at Huwebes (April 28) mula 1 PM hanggang 4 PM para kumuha ng libreng tickets.

Wala ng bibitiw sa lalo pang umiinit na kumpetisyon sa Pilipinas Got Talent 2, tuwing Sabado at Linggo, 8:45 PM sa ABS-CBN. Para sa mga update sa inyong pabortiong Kapamilya stars at shows, mag-log on lamang sa www.abs-cbn.com o sundan ang ABS-CBN sa Twitter via http://twitter.com/abscbndotcom

Source: www.abs-cbn.com