Father of AJ Perez Shares the Story of Son's Last Trip to Boracay With Friends

Iisang linggo bago naganap ang aksidente ay nagpunta pa ng Boracay ang Kapamilya young actor na si AJ Perez. Unang lakad daw yun ni AJ na mga barkada lang ang kasama at hindi ang parents niya. Selebrasyon din daw ito ng graduation niya ng high school sa La Salle Greenhills.

Sinabi ni Daddy Gerry na bumilib siya sa asal ng anak niya sa pagkakataong 'yon dahil hindi raw ito nang-iwan ng kaibigan. Si AJ raw kasi ang tipo ng anak na hindi niya idi-disappoint ang magulang at gagawin talaga ang best niya.

Kuwento ni Daddy Gerry, na-late daw si AJ sa airport pabalik ng Manila dahil mabagal yung bangka at kailangan pang punuin. Kasama raw niya ang isang barkada niya dahil nauna ang flight ng iba nilang friends. Pinagalitan pa nga raw ni Daddy Gerry ang anak dahil baka gusto lang daw nitong ma-extend ang bakasyon niya sa Bora para gumimik.

Ang ginawa raw ni AJ, ipinasa nito ang telepono sa empleyado ng airline para kausapin ng daddy niya at patunayan na hindi siya nagsisinungaling. Naghintay sila ng next flight. Pero isang bakanteng upuan lang ang available.

"Mag-alibi ka na lang na may ASAP Rocks ka kinabukasan para mauna ka," utos pa raw ni Daddy Gerry kay AJ.

Pero nagpumilit si AJ na hindi niya puwedeng iwanan ang kaibigan niya. Kawawa naman daw ito na nag-iisa.

Ang problema ay halos ubos na ang baon ni AJ. Samantalang ang kasama niya ay 150 pesos na lang ang naiwang pera.

Magbabayad pa sila ulit ng plane tickets kinabukasan at titira pa sila ng hotel para magpalipas ng gabi.

Dinidisiplina rin kasi si AJ ng parents niya pati sa pera kaya ang laman ng ATM niya ay P7,000 lang. Nagkataong Sabado noon at sarado ang bangko para magdeposito ang parents niya.

Nakahanap naman si AJ ng hotel na matutuluyan, pero kailangang magising sila ng 3 AM dahil first flight sila aalis. Noong nasa airport sila, kulang na naman ang pambayad ng tickets dahil P150 na nga lang ang pera ng kaibigan niya.

Sabi ni Daddy Gerry, magpaalam na lang si AJ na mauna dahil kasya pa naman ang pera nito sa ATM. Pero matigas pa rin daw si AJ sa pagsasabing hindi niya puwedeng iwanan ang kaibigan.

Hanggang sa huling sandali ay nanindigan ang guwapong young actor na kailangang sabay silang uuwi ng kaibigan niya. Ang ending, nakagawa sila ng paraan dahil may kaibigan silang nasa Caticlan na nautangan kaya nakauwi sila.

Nang binigyan si AJ ng tribute sa kanyang burol sa La Salle Greenhills ay nagsalita ang kaibigang iyon ng young actor tungkol sa pagiging mabuting kaibigan nito.

Sobrang nag-enjoy raw talaga si AJ sa bakasyon niya sa Boracay at gusto pa sana niyang bumalik doon.

Source: www.pep.ph