Father of AJ Perez Recounts Last Moment With Son

Emosyunal ang panayam ni Boy Abunda sa ama ng yumaong artista na si AJ Perez na si Gerry para sa The Buzz. Binawian ng buhay ang young actor dahil sa vehicular accident noong April 17 pabalik ng Maynila galing sa isang show sa Pangasinan.

Nang itanong ni Boy kay Gerry kung ano ang pinaka nami-miss nito sa anak, sagot niya, “Everything. He does not complain. Tuloy lang. Ayaw niya ng gulo. Ayaw niya ng arguments, discussions. He wants everything the way it is.”

Unang tumulo ang luha ng ama ni AJ nang ikuwento niya na madalas niyang sabihin sa mga kaibigan at mga taong nagmamahal sa anak na hindi nakaramdam ng sakit si AJ nang pumanaw ito. Sa palagay niya ay ito ang gusto ng anak para hindi maging malungkot ang mga tao. “Ayaw niyang nagwo-worry ‘yung tao.” Gayunpaman, hindi raw ito ang tunay na nangyari. “Every time sinasabi ko ‘yun sa tao, parang naiiyak ako kasi it wasn’t the truth,” sambit ng ama bago siya napaiyak.

Matapos umanong mangyari ang aksidente, sinubukan ni Gerry na gisingin ang kanyang panganay. “I was trying to wake him up. And then I think he heard me. He wanted to open his eyes, and I heard him groan. A gasp of trying to breathe and lose it,” hayag niya. Magkatabi raw sila sa van nang maganap ang aksidente. Noong una raw ay inakala niyang internal bleeding sa ulo ang ikinasawi ng anak pero sa medical certificate umano ay lumabas na ang broken rib ni AJ ay tumagos sa kanyang puso.

Sabi pa ng ama, nang mangyari ang aksidente ay humingi siya ng himala dahil natagalan umano bago sila nakahanap ng ospital at madilim pa ang dinaanang lugar. Pero tinatagan raw niya ang loob dahil kailangan niyang ipaalam sa kanyang asawa at kapatid ni AJ ang nangyari. Tinawagan raw niya ang ina ni AJ at sinabing wala na ang kanilang anak. Naiyak umano ang kanyang misis at nasabi na bakit si AJ pa ang kelangang masawi.

Nang tanungin ni Boy si Gerry kung nagalit daw siya sa nangyari, ang sagot niya, “Nagsisi. Nagsisi ako. Hindi naman galit. Kasi I know he wouldn’t want that. Sinisi ko na ‘yung sarili ko. Kung sana…andaming sana. Bakit siya pa. Sana ako na lang,” hinagpis ng ama. Masyado pa raw bata ang kanyang anak at madalas pa siyang lapitan ng mga tao para sabihin kung gaano kabait ang kanyang anak. Nagsisimula pa lang daw sila umano ng kanilang pamilya na hayaan si AJ na gawin ang mga bagay nang mag-isa, gaya ng pagpayag nilang magbakasyon ito kasama ang mga kabarkada.

Sunod na itinanong ni Boy kung ano ang mahalagang aral na natutunan ni Gerry sa nangyari. “Treasure every moment, every day, every minute that you have with your son, your daughter. Sometimes kasi tayo we’re so into sa trabaho natin, negosyo natin. Pero just like that anything can happen.” Hindi raw kasi niya inasahan ang aksidente na babawi sa buhay ng anak. At hindi man lang daw niya nasabi sa anak na mahal niya ito bago siya pumanaw. “Don’t forget to say, ‘I love you, son.’ If you can say it everyday tuwing nakikita mo say, ‘I love you, son,’” pagbabahagi ni Gerry.

Ikinuwento rin niya na nagpakita umano ang anak nito sa classmate niya. “Ang sabi niya daw, parang naka-white daw si AJ and sabi daw ni AJ, nandito ako sa place na lumulutang ako. Sabi niya dito ako sa place na wala akong problema.”

Bilang mensahe para AJ, humingi ng tawad sa anak si Gerry. “I’m sorry, AJ, I’m sorry for our misunderstandings, sometimes hindi tayo nakakapag-usap nang tama talaga. AJ, sorry. Daddy loves you, Daddy loves you so much.”

Source: www.push.com.ph