Noong April 15, Friday—o dalawang araw bago maganap ang sakuna na kumitil sa kanyang buhay—ay nakausap pa ng writer na ito at iba pang entertainment press si AJ Perez at si Daddy Gerry sa birthday party ni Jobert Sucaldito sa Golden Bay Restaurant sa Macapagal Avenue.
Excited si AJ na ikinukuwento ang Maalaala Mo Kaya episode niya sa April 30.
"Almost five days kami nag-taping sa Quezon at Bicol. Panoorin n'yo MMK, eto po ang biggest role ko," sabi pa niya.
Nabanggit din ni AJ na may movie siyang gagawin na kasama sina Kathryn Bernardo at Julia Montes, ang mga bida sa top-rating primetime series na Mara Clara.
"Ibang istorya ito, hindi Mara Clara. Kasama rin namin si Albie Casiño," sambit pa ni AJ.
Napansin naman ng magazine editor na si Julie Bonifacio-Gaspar na malungkot ang hitsura ni AJ nang gabing yun. Pero binati pa rin ng young actor lahat ng nando'n sa table.
Nag-follow pa siya sa Twitter account ng ibang kasama namin sa table.
Napansin pa niya na nagtu-tweet kami sa iPad ng kaganapan sa party ni Jobert.
"Puwede ka pa lang mag-tweet diyan sa iPad," sabi pa ni AJ sa amin.
Sabi naman ng daddy ni AJ, puwede siyang bumili kung gusto niya. Pero sagot ng binata, iPad 2 ang gusto niyang bilhin.
Bumalik pa sa buffet table si AJ para kumuha ulit ng pagkain. Ang dialogue niya, "Bakit ang luto ng Chinese, kakakain mo lang, gutom ka na naman?"
Nagtanong din sila ni Daddy Gerry sa press ng ruta papunta ng Dagupan City.
Nagdadalawang-isip daw kasi sila kung gagamitin na lang ang sasakyan nila o sasakay sa service ng ABS-CBN. Pero nanaig sa kanila ang paniniwalang mas magaan na sumakay sila sa service dahil kabisado nito ang daan papunta ng Dagupan City.
Ang service van ng ito ng ABS-CBN ang gamit na sasakyan nina AJ nang maaksidente sila ng madaling-araw ng April 17, Linggo, sa Moncada, Tarlac.
Source: www.pep.ph