Binasag na nina John Estrada at Randy Santiago ang kanilang katahimikan hinggil sa isyu ng hindi nila pagkakaunawaan sa kanilang kaibigang si Willie Revillame. Sa kanyang show sa TV5 ay naglabas ng sama ng loob si Willie dahil sa pagtanggap nina John at Randy ng proyekto sa ABS-CBN at ito nga ay ang nalalapit na noontime show na Happy, Yippie, Yehey na sisimulan ngayong February 12. Sinabi pa ni Willie na inaayos sana niya ang pagkakaroon ng programa nina John at Randy sa kabilang istasyon pero hindi niya nagustuhan ang desisyon ng mga kaibigan na magtrabaho sa Kapamilya network.
Sa The Buzz kahapon sa pamamagitan ng live phone patch, sinabi ni John na natural lamang ang pagkakaroon ng tampuhan. “Hindi lang naman sa magkakaibigan nangyayari ‘yan, kahit sa tunay na magkakapatid meron talagang mga tampuhan. Pero ganun pa man just to put an end to this, I would just like to say wala kaming ginawang masama,” buwelta ng actor-host. “Kami ay tumanggap lang ng trabaho at gusto lang namin magpasaya ng tao. Magpasaya na lang tayo ng tao at sana po ay pagbigyan tayo ng sambayanang Pilipino.”
Sinabi naman ni Randy na matagal na silang magkakaibigan ni Willie at hindi puwedeng bale-walain ang kanilang samahan. “Kami ni Willie magkasami since 1983. You’re talking about 28 years together. Isang kuwarto ang tinutulugan namin when we were doing Sicada. In other words sabi ko nga, eh tampuhan lang ng magkakapatid. Right after nakita natin ‘yung tampo niya (Willie) we were deeply hurt also. Dahil gusto niya siyempre magkasama-sama kami uli. But of course dahil sa nangyari ring ito at hindi natin inaasahan na nandito pa rin kami sa Channel 2, right away tinext ko agad siya at si brother John ay nagtext din sa kanya at humihingi na sana sa mga susunod na panahon magkakasama pa rin tayo. Pero at this point siyempre trabaho lang, ‘ika nga at nauna nga lang agad itong ABS-CBN.”
Sinang-ayunan ni John ang tinuran ni Randy at idiniin na trabaho lamang ang lahat. “Kung meron mang ibang taong nagtataka kung ano talaga ang nangyari, wala po talaga kaming nagawang masama po at alam ni Willie kung gaano namin siya kamahal. Kami po ay tunay na kaibigan. Ito’y trabaho lang. Kailangan din namin magtrabhao ni Randy. Sinabi ko kay brother Randy as long as malinis ang kunsensiya natin at alam ng Diyos na wala tayong ginagawang masama, eh siguro naman kahit sinu-sinong gustong kumalaban sa atin ay hindi magtatagumpay dahil Diyos ang kakampi natin dito.”
Inaasahang magsisimula na ang Happy, Yipee, Yehey sa February 12. Bukod kina John at Randy, kabilang din sa mga host sina Toni Gonzaga, Mariel Rodriguez, Melai Cantiveros at Bianca Manalo.